Sunday, November 14, 2010

Sa totoo lang...

Sa totoo lang, hindi ako humanga kay Plato sa ideya niya ng Philosopher King. Para sa akin, maraming aspekto ng estado, pamilya at ng isang pagiging tao ang hindi naisaalang-alang ni Plato sa paghulma niya ng ideyang Philosopher King. Ang pagkakaroon ng mga restriksisyon sa isang Philosopher King ay mga batas na hindi maaaring maisakatuparan ng isang tao. Katulad nga ng mga nabanggit sa talakayan, upang maiwasang mang-abuso at umabuso sa kapangyarihan ang isang Philosopher King, itinakda ni Plato ang ilang tuntunin na dapat sundin ng kung sinuman ang hiranging Philosopher King tulad ng hindi pagaangkin ng yaman, pagmamay-ari ng lupa at kawalan ng pamilya. Sa pagkakataong ito, walang sinuman ang makakasunod sa mga batas na ito dahilan sa tao lamang ang isang Philosopher King.

Tama na nasa isang Philosopher King ang katalinuhan at kagalingan sa maraming bagay ngunit hindi siya perpekto. Tao lamang itong maaaring makisama sa agos ng pagkakataon at panahon na sa pag-iisip na iyon ang makakabuti sa kanya. Maaring maimpluwensiyan at mag-isip taliwas sa kanyang natutunan at tumalikod sa kanyang mga paniniwala. Ang pagkakaroon ng Philosopher King ay pagkakaroon ng isang mala-utopia na estado kung saan perpekto ang sistema ng pamamahala ng pamahalaan sa nasasakupan nito. Alam naman na hindi ito mangyayari kung mananalig lamang sa isang Philospher King dahilan sa maraming temtasyon at salik na maaaring makabuti at makasama sa pag-iisip ng isang tao. Sa panahon nga natin ngayon, maiuugnay at maihahambing ko ang isang Philosopher King sa isang pari o maging sa buong Simbahang Katolika. Alam natin na ang mga pari ay may mga sinusunod na batas ng Simbahan tulad ng bawal mag-asawa, bawal ang sekswal na interaksyon sa iba, bawal ang makipagrelasyong romansa at marami pang iba.

Ang punto rito, ang simbahan bilang isang ginagalang na institusyon ng lipunan at ang mga pari bilang mga aral ng mga salita ng Panginoon ay nagkakasala at nagkakamali rin. Sila rin ay naging sakim sa kapangyarihan at ganid sa kayamanan na pinatunayan ng ating kasaysayan. Ngayon ano ba ang mali? Ang mali ay dahil sila ay tao lang din. Ika nga, walang sinuman ang perpekto kaya’t lahat tayo ay hindi makakaiwas sa kasalanan at kamalian. Kahit nga ang paring itinuturing na alagad ng Panginoon ay tumataliwas ang kaisipan at bumabali sa batas ng simbahan. Tulad nga ng isang Philosopher King, imposibleng hindi ito makagawa ng mga bagay na taliwas sa tuntuning inilatag ni Plato. Hindi nabigyang pansin ni Plato na maraming aspekto ng pagkatao ang maaaring sumira sa isang Philosopher King.

Maaaring masilaw ito sa katanyagan na magreresulta sa pagiging ganid sa yaman, pagkakaroon ng bisyo at pagkakaroon ng anak at pamilya. Internal ang magiging problema ng ideyang Philosopher King. Dahil nga sa mga kadahilanang aking inilatag kung bakit marupok ang pundasyon ng pagkakaroon ng Philosopher King ay hindi ito kapani-paniwala o posibleng mangyari. Ika nga, suntok sa buwan, kung may iisang tao na ilalaan ang kanyang sarili sa estado at habambuhay na susunod sa itinakdang mga batas ni Plato para sa isang Philosopher King.

Hans Kevin R. Madanguit

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.