Tumatak sa isipan ko ang inihayag ni Machiavelli sa kanyang aklat na The Prince ang dalawang paktor upang magtagumpay, ang virtu at si Fortuna, ang diyosa ng kapalaran ng mga sinaunang Romano. Sa kanyang aklat, binuksan niya ang ideyang nagtatagumpay ang isang tao partikular na bilang isang pinuno ng isang komunidad dahil sa una, dahil sa diyosang si Fortuna na pangunahing pwersang nagluklok sa kanya sa puwesto at pangalawa dahil sa angkin nitong kagalingan at kakayahan.
Ayon kay Machiavelli, magagamit ang mga kakayahang ito kapag nangyari ang kinatatakutan ng mga sinaunang Romano, ang pagtalikod at pang-iiwan ni Fortuna. Ito ay sa dahilang dapat ay ginawang pagkakataon ng isang pinuno ang panahong nasa panig nito ang magandang takbo ng kapalaran upang maging magaling sa bawat aspekto ng pamumuhay at umunlad ang kakayahang tinatangi na magreresulta sa magaling na pamumuno. Pinapatunayan ng ganitong pagtatangi na kaya ng taong panghawakan ang nangyayari, na hindi palaging iniisip na iyon ang nakatadhanang mangyari. Maraming pinuno na mula sa iba’t ibang sibilisasyon at bansa ang makapagpapatunay sa ganitong nosyon ng pagtatagumpay.
Isa na nga rito si Queen Elizabeth ng Inglatera. Namuno mula 1558 na noo’y 25 taong gulang pa lamang hanggang 1603. Isa siyang modelo kung paano nagiging laro ang kapalaran at sa huli’y pumanig sa kanya si Fortuna. Dahilan na rin sa ang ama niy’ay si King Henry VIII, namana niya ang iba’t ibang katangian ng isang pagiging magaling na pinuno kung saan ang virtu ay pumapasok. Prinsesa siya nang ipinanganak ngunit naging bastardo ng siya’y tatlong taong gulang pa lamang ng patawan ng parusang kamatayan si Anne Boleyn sa iba’t ibang pagkakasala. Dahilan sa siya’y isang Protestante na noong panahon ng pamumuno ng kanyang kapatid sa ama na si Mary I ay naging tampulan ng akusasyon ng pagpapabagsak sa kaharian ng kanyang kapatid na isang Katoliko. Umabot sa puntong hinahanapan siya ng ebidensiyang makapapapatunay na siya ang namumuno ng kilusan upang palitan ang naghaharing Reyna na nagresulta sa kanyang pagkakahouse-arrest. Naranasan ni Queen Elizabeth ang katakot-takot na pakiramdam ng kawalang katiyakan sa kanyang kinabukasan na maaaring hatulan at patawan siya ng kamatayan anumang oras. Ang pakiramdam ng nauupos na kandila sa mga interogasyong kanyang hinaharap sa harap ng mga salang wala siyang kaalam-alam.
Ngunit iba maglaro si Fortuna, naging Reyna siya ng Inglatera nang mamatay si Mary I. Ginamit niya ang pagkakataong iyon upang maglunsad ng reporma sa kanyang mga kinasasakupan. Hindi tulad ng kanyang kapatid, hinayaan niyang mamuhay ng matiwasay ang mga Protestante at Katoliko ngunit inisip din ang seguridad ng bansa kung may mga pagtatangkang pabagsakin siya dahilan sa siya’y isang Protestante. Inangkop niya ang ideya ni Machiavelli na makakabuti sa isang pinuno ang mahalin siya ng tao at katakutan din sa ibang banda. Naging epitomiya siya ng kagandahan at kalakasan dahilan upang siya’y hangaan ng mga tao at katakutan ng mga kalaban. Isa nga sa mga pinakamatagumpay niyang laban ay ang pagkatalo ng Spanish Armada laban sa Inglatera na nagluklok sa kanya bilang isa sa pinakamakapangyarihan at pinakamagaling na pinuno ng Europa.
Dahil noong panahon din niya tumuntong sa Gintong Panahon ang Inglatera, modelo ng kaunlaran at kagalingan. Ginamit niya ang kanyang natatanging talento at kasanayan upang mapatakbo ang bansa at mapanatiling buo ang kapangyarihan ng kaharian. Hindi niya sinayang ang bawat panahong nasa kanyang panig si Fortuna na nagbunga ng isang mayaman, matiwasay at maunlad na bansa.
Hans Kevin R. Madanguit
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.